Dahil Ikaw (Kristine Series 3)

Dahil Ikaw (Kristine Series 3)

Precious Pages · Ongoing · 11 Chapters

...

About this book

Alexa had a calm life till the moment she found out she had a twin Sandra who was currently comatose due to an accident. And now she, Alexa, had to marry Jake, Sandra's groom not to make the situation even more difficult. But what would happen if Jake found out she was not Sandra?

Chapter 1

Chapter 1

Chapter One

M

ALAYO pa sina Alexa at Bernard ay napuna na nila ang nakaparadang kotse sa harap ng bahay ng dalaga.

“May bisita ang daddy mo, Alex?” tanong ni Bernard na hindi hinihiwalayan ng tingin ang naroong kotse habang ipinaparada nito ang pickup.

“Hindi ko alam. Ngayon ko lang nakita ang sasakyang iyan,” sagot niya na binuksan ang pintuan ng sasakyan at bumaba. “Halika, tumuloy ka muna.”

“Hindi na, Alex, at baka makaabala pa ako. Susunduin kita bukas at ipapasyal sa farm. Sabado naman at wala kang pasok sa bangko.”

Tumango ang dalaga. “Salamat, Bernard.” Inihatid niya ng tanaw ang pag-alis nito. Pagkatapos ay nagmamadaling pumasok sa bahay upang alamin kung sino ang bisita ng ama.

Ni sa panaginip ay hindi niya naisip na ang

bisitang daratnan ay magpapabago sa simpleng takbo ng buhay niya.

“Alexa, hija...” salubong ni Roberto sa anak. “Mabuti at maaga ang uwi mo ngayon. May bisita tayo.”

Humalik siya sa pisngi ng ama at sinulyapan ang bisitang nakaupo sa sofa. Very poised at elegant ang babae, maganda. Mula ulo hanggang paa ay nagbabadya ng kariwasaan. Hindi niya mahulaan kung ilang t

aon na ang edad ng panauhin. Pero kung wariin niya’y matanda lamang sa kanya ng mga ilang taon.

Hindi niya maipaliwanag ang biglang pagdaloy ng kaba sa kanyang dibdib. Pamilyar ang mukha ng babae at nakita na niya ito. Hindi lamang agad maapuhap ng isip niya kung saan.

“K-kumusta ka na, Alexa?” wika nito sa maganda at tila musikang tinig, bagaman nahihimigan niya ng bahagyang panginginig. Bahagyang kumibot ang mga labi niya dahil sa ginawang pagtawag ng panauhin sa kanyang pangalan. Buong-buo, katulad ng paraan ng kanyang ama.

Isang tango at simpleng ngiti ang naging tugon niya. Tumikhim si Roberto at inakbayan siya.

“Alexa, gusto kong ipakilalasa iyo si... Eleanor.”

Eleanor?

Dumaloy ang alaala ng kamusmusan sa kanyang isip...

“Eleanor ba ang pangalan ng Mama, Daddy?”

“Tama ka, hija, Eleanor. Alam mo bang magkahawig kayo ng mga mata?”

“De maganda rin ang mga mata ko?” patuloy na tanong ng apat na taong gulang na si Alexa, na nasiyahan sa sinabi ng ama.

“Tulad ng mama mo, hindi lang mga mata mo ang maganda, Alexa, lahat sa iyo ay maganda.” Lungkot at pagmamalaki ang nasa tinig nito...

Napakurap si Alexa. Mahigpit na napahawak sa sandalan ng sofa. Muling tinitigan ang naroong babae. Bahagya lamang ang ipinagbago ng babae sa larawang nasa album at malimit niyang tingnan noon (kahit man lamang sa larawan ay maibsan ang pananabik niya sa ina) at sa ngayong nakikita niya.

At makalipas ang dalawampu’t isang taon ng buhay niya, heto ang babaeng pinanabikan niyang makita. Nasa harap niya.

Papaano siya kikilos?

“M-maaari ba kitang mahawakan at mayakap, Alexa?” Nag-aalangan at puno ng insekyuridad ang tinig nito. May namumuong luha sa mga mata.

Wala sa loob na humakbang patungo kay Eleanor ang dalaga at pumaloob sa nakalahad nitong mga kamay. Pinigil niyang mapaiyak nang yakapin nito nang mahigpit. Narinig niya ang impit nitong pag-iyak. May ilang sandali rin sila sa ganoong ayos. Pagkatapos ay marahan siyang kumawala.

“Iisa ang anyo ninyo ni Sandra, Alexa,” wika nito makaraan ang ilang segundo.

“S-Sandra? Sinong Sandra?”

Lumipat ang tingin ni Eleanor kay Roberto na sa mahinahong tinig ay muling nagsalita. “Ang... kakambal mo, hija.”

Gulat siyang tumingin sa ama. “M-may kakambal ako?!” Hindi makapaniwalang pinaglipat-lipat niya ang tingin sa dalawa na bawat isa’y ayaw salubungin ang kanyang mga mata.

“May kakambal ako! May kapatid ako pero hindi mo ipinagtapat sa akin, Daddy?” May akusasyon sa tinig niya.

“Hindi iilang beses kong binalak na ipagtapat sa iyo, Alexa. Naghihintay lang ako ng tamang pagkakataon,” depensa ni Roberto.

“At kailan ang tamang pagkakataong `yon? Buong buhay ko’y pinaniwala ninyong nag-iisa lang akong anak. Na sanggol pa lang akong bata’y naghiwalay na kayo ng aking ina!” Bahagyang tumaas ang tinig niya na sa unang pagkakataon ay ginamit sa ama.

“A-Alexa....”

Inagapan niya ang sasabihin ng ama. “At ang kakambal ko, alam ba niya ang pag-iral ko sa mundong ito?” Na kay Eleanor ang pansin niya.

“Tulad mo ay hindi rin alam ni Sandra na may kapatid siya.” Halos hindi marinig ni Alexa ang sagot ng noon lamang nakilalang ina.

Tila nahahapong naupo siya sa sofa. Hinawakan siya ni Roberto sa balikat. “Gusto naming magpaliwanag, hija, kung pakikinggan mo.”

Hindi siya kumibo. Ni hindi niya alam kung ano ang iisipin para sa sariling mga magulang na parehong ipinagkait sa kanila ng kapatid ang pag-iral ng bawat isa.

Naupo si Roberto sa katapat na upuan. Tiningnan muna si Eleanor bago nagsimulang magsalita. “Eleanor and I were very young, Alexa, when we fell in love. I was eighteen at siya nama’y seventeen and already three months pregnant. Tutol ang ama niya sa aming dalawa. Parehong mahirap ang aming pamilya at gusto ng ama ni Eleanor na sa mayaman ipakasal ang iyong ina.”

Napapikit ang dalaga. Gusto niyang isiping napanood na niya sa isang pelikulang hindi matandaan ang pamagat at mga bida ang sinasabi ng ama.

“Nagtanan kami at dahil parehong mga bata ay hindi makapagpakasal na walang pahintulot ng mga magulang. Ang mga magulang ko’y hindi problema subalit hindi ang ama ni Eleanor.” Saglit na huminto si Roberto at nang magpatuloy sa pagkukuwento ay tumayo at tumapat sa bintana.

“Sa simula’y maayos ang lahat subalit naiba nang ipanganak kayong magkapatid. Dumami ang pangangailangan at wala akong pormal na pinagkakakitaan. Tumutulong lamang ako sa Tatay na gumawa ng mga Capis Lamps sa pinagtatrabahuhan niya. Hindi sapat ang kaunting kita para sa apat na bibig kahit na nga ba tumutulong ang mga magulang ko. Gatas at gamot para sa inyo. Halos walang linggong hindi kayo dinadala sa doktor ng kakambal mo.”

Habang nakikinig ay walang kakurap-kurap ang dalaga.

“Ang pag-ibig namin ay nauwi sa pagtatalo, sa hindi pagkakaunawaan dahil sa kawalan. Sa isang matinding pagtatalo ay umuwi si Eleanor sa mga magulang niya kasama kayo. Hindi ko na siya muling nabawi pa.”

Sa puntong iyon ay huminto sa pagsasalita si Roberto na para bang sinasabing hindi na nito alam ang pangyayari pagkatapos niyon. Nakita niyang sumulyap kay Eleanor ang kanyang ama, ang mga mata ay puno ng hinanakit.

“H-hindi pumayag ang Tatay na bumalik pa kaming mag-iina sa iyo, Bobby.”

Napaangat ng ulo si Alexa. No one ever called her father by that name.

Nagpatuloy si Eleanor. “Nang mapag-isip-isip kong hindi ako dapat umalis at iniwan ka’y may ibang plano na ang aking ama. At wala akong magawa. Dalawang araw matapos akong umuwi sa amin ay dinala n’ya kaming mag-ina sa Maynila. Doon ay ipinakilala n’ya ako sa kanyang amo. Isang matandang binata na doble ang edad sa akin. I was young and confused at wala akong nagawa nang ipakasal kami ni Ama.”

“No one could have forced you kung...” mahina subalit mariing sinabi ni Roberto, hindi rin nagawang tapusin ang mga salita.

“Oh, Bobby.” Napahikbi si Eleanor at napayuko.

Napatanga si Alexa. Siya ang nakikinig ng mga paliwanag subalit sa nakikita at naririnig niya’y tila sa isa’t isa nagpapaliwanag ang mga magulang.

“Papa’no ako napunta sa Daddy?” tanong ni Alexa.

“Dalawang buwan na kaming kasal ni Amado nang sulatan ko ang daddy mo, Alexa. Legally, alam kong hindi na ako makakahiwalay kay Amado dahil mag-asawa na kami. I... I loved your father.” Halos nagbara sa lalamunan nito ang salita. “A-ayokong tuluyang maputol ang ugnayan ko sa kanya, at niya sa aming mga anak. I-it almost killed me, Alexa, when I gave you to your father pero `yon lang ang paraan para manatiling bukas ang tulay para sa aming dalawa. Umaasa na pagdating ng araw ay kami pa rin.”

Binalingan ni Alexa ang ama. Naghihintay ng sasabihin nito.

Hindi siya nabagot sa paghihintay. “Nasaktan ako,” sabi ni Roberto. “Labis na nasaktan. Ipinasya kong mangibang-bayan. Lumayo. Huwag nang magpakita pa kailanman. Napilit ko ang aking mga magulang.”

“Hindi ko inaasahang gagawin `yon ng daddy mo, Alexa. Ni hindi niya ipinahiwatig or else I would have not given you to him. Nang malaman ni Amado ang ginawa ko’y ipinasya nitong magpunta kami sa Amerika kasama si Sandra. Inisip ni Amado na kung hindi niya gagawin `yon ay posibleng magkita pa kami ng daddy mo. It was ten years after bago kami muling nagbalik sa Pilipinas. Nang mamatay ang ama ko.”

“Ano ang nangyari at narito kayo ngayon? Paano kayo nagkatagpo ni Daddy kung pareho ninyong hindi alam ang kinaroroonan ng bawat isa?”

Huminga nang malalim si Eleanor. “Hindi madali, Alexa. Nang mamatay si Amado, mahigit isang taon na, umupa ako ng private detective para hanapin kayo. Halos nawalan na ako ng pag-asa dahil sa negatibong report ng mga binabayaran ko. Then, nine months ago, hindi inaasahang nakita ko ang larawan mo sa peryodiko—”

“Ako?” hindi makapaniwalang agaw niya. “Paano ako nakunan ng larawan at naiperyodiko pa?”

“Kuha yata `yon no’ng opening ng branch ng bangko sa Paso de Blas. Nakalimutan mo na ba? Hindi sinasadya ang pagkabuklat ko sa diyaryo at naraanan lang ng mga mata ko ang larawan mo. Akala ko’y si Sandra at nagtaka ako kung bakit nasa peryodiko siya.”

Naalala na niya ang kuhang iyon. Actually, sa Maynila siya nagsanay nang matanggap siyang isa sa mga empleyado. Sa main office sa Makati ang training niya at ng iba pang mga empleyado.

You May Also Like