Midnight Encounter

Midnight Encounter

Marinelli Starr · Ongoing · 25 Chapters

...

About this book

Destined to save the world from its doom caused by an ancient curse that appears every one hundred years, Matthaios Levidis, together with a group of young and brave doctor scientists from Athens, Greece, is set to find and kill the carrier of the curse, the ambitious fashion model Ava Taylor. Ava is suspected to be the first carrier of the unknown virus that turns victims into flesh-eating nocturnal mutants. But instead of finding Ava, one simple province girl caught Matthaios heart. However, right after he pledged his heart to Nica Masangkay, a dark secret is revealed which compels him to choose between his mission and the woman he loves.

Prologue

Odrysian Kingdom, Balkan Peninsula, 5thcentury B.C.

Duguang bumagsak sa pampang ng Ilog Abdera si Agenor, ang malupit na pinuno ng tribong Illyrian. Tadtad ito ng mga saksak at taga sa buong katawan habang masaganang umaagos ang sariling dugo. Hinahabol na rin nito ang hininga.

Ngunit hindi man lang kinakitaan ng awa si Haring Tereus, ang mandirigmang hari ng Odrysian kingdom na nagmula sa tribong Thracian. Nakatayo siya habang pinagmamasdan ang unti-unting pagkagapi nang mortal na kaaway. Nang tumingin siya sa paligid ay nakita niyang paubos na rin ang mga mandirigmang Illyrian na umatake sa mga tribo ng Thracians na nasa ilalim ng kanyang pamumuno.

“Nabigo ka, Agenor. Nabigo kang agawin sa aming mga Thracian ang kaharian ng Odrysian,” mariing wika ni Haring Tereus habang mahigpit na hawak ng kanang kamay ang duguang espada na ginamit sa pakikipaglaban kay Agenor.

Ngunit sa halip na magmakaawa ay nakakainsultong tumawa pa si Agenor. Kahit hirap ay nagawa pa rin nitong magsalita. “Iyan ang akala mo, Tereus. Mapapatay mo ako, pero hindi ang apoy ng aking galit dahil sa kasakiman mo.”

“Ikaw ang sakim, Agenor. “ Muling nanginig sa galit ang kanyang buong katawan. “Alam kong alam mo na ang trono ng Odrysian ay para lamang sa mga Thracian pero hinangad mo pa rin ito. Nilason mo ang isipan ng iyong mga nasasakupan upang makapaglunsad ka ng isang digmaan. Itinaya mo ang kanilang mga buhay para lamang sa pansarili mong kagustuhan. Ngayon, paano mo pamumunuan ang isang kaharian kung ang sarili mong tribo ay kaya mong ipahamak dahil sa iyong kabuktutan? Mabuti na lamang at palagi kaming nasa pangangalaga ng aming diyos na si Thrax kung kaya hindi nagtagumpay ang maitim mong mithiin.”

Sarkastikong ngumisi si Agenor. “Ang inyong diyos na si Thrax ay anak lamang ng mas makapangyarihang diyos na si Ares. Sa tulong ni Ares, ay magpapatuloy ang labanan sa pagitan ng ating mga tribo hanggang hindi napapasakamay ng mga Illyrian ang Odrysian.”

Bahagyang tumawa si Haring Tereus. “Hindi na mangyayari ang sinasabi mo, Agenor. Sapagkat ito na ang huling digmaan na magaganap sa pagitan ng mga Thracian at Illyrian dahil papatayin na kita sampu ng hangal mong mga kawal.” Pagkasabi noon ay dahan-dahang itinaas ni Haring Tereus ang espada upang itarak sa dibdib ni Agenor.

Ngunit hindi man lang kinakitaan ng takot si Agenor. Habang hirap sa paghinga ay nagpatuloy ito sa pagbabanta. “Mapapatay mo ang aking katawan ngunit hindi ang sumpang binitawan ko sa ilog na ito ng Abdera saksi ang mga diyos ng kadiliman. Ang mga diyos mula sa hades kabilang ang pinakamakapangyarihang diyos ng digmaan na si Ares ang tutulong sa pitong supling na magpapatuloy ng kasamaan na ipinunla ko sa mundong ito.”

Naudlot ang pagtarak ni Haring Tereus ng espada sa dibdib ni Agenor. Ang galit na nararamdaman ay napalitan ng pangamba. “Sumpa? Ano’ng sumpa ang sinasabi mo?”

Muling ngumisi si Agenor na tila ba nakaramdam ng tagumpay sa laban. “Tuwing ika-sandaang taon, lilitaw mula sa aking sariling dugo ang mga supling na magdadala ng salot sa sansinukob. Mula sa hades ay dadalhin ng mga supling na ito ang kasumpa-sumpang lason ng kasamaan na magiging dahilan ng kamatayan ng lahat ng tao sa buong mundo kabilang na ang salinlahi ng mga Thracian. At pito silang lahat, Tereus. Pitong binhing magiging tagapagdala ng aking sumpa. At katulad ko at ng lahat ng nilalang sa buong sanlibutan, hindi ka rin nakatakdang mabuhay habang panahon. Ngayon, paano mo pipigilan ang pitong tagapaghasik ng kasamaan at kamatayan sa lahat ng tao sa buong mundo?”

“Isa kang hangal,” singhal ni Haring Tereus. “Sa palagay mo ba ay papayagan iyan ng mga mabubuting diyos ng Moreva?”

“Walang magagawa ang mga mabubuting diyos pagdating ng panahon ng kadiliman, at iyon ay kapag nagsimula na ang mga tao na yakapin ang kasamaan, magiging makasarili sila at mapag-imbot. Mababaliw sila sa mga makamundong bagay katulad ng lakas at kapangyarihan na magdudulot ng mga digmaan. At kapag nangyari iyon, magiging madali na silang lipulin ng mga tagapagdala ng sumpa dahil sa kawalan nila ng pagkakaisa at pagmamahal sa kanilang kapwa.”

“Isa kang baliw, Agenor. Tama lang na hindi napunta sa isang hangal na katulad mo ang pamumuno sa Odrysian.” Lalong humigpit ang hawak ni Haring Tereus sa espadang hawak ngunit hindi man lang nagpakita ng pagkatakot si Agenor.

“Tandaan mo ito, Tereus. Tuwing ika-sandaang taon, lilitaw ang pitong tagapagdala ng salot na papatay sa lahat ng tao sa buong mundo. At hindi mo ito mapipigilan, Tereus. Walang sino mang diyos sa buong Odrysian o sa buong mundo man ang may kakayahang ipawalang bisa ang isang sumpa na binitawan sa ilog Abdera at sinaksihan ng mga diyos ng hades.”

“Isa kang baliw! Hindi papayagan ng mga diyos ng Moreva ang kabuktutan mo! Ngayon pa lamang ay pinuputol ko na ang sumpang sinasabi mo!” Pagkasabi noon ay ubod lakas na itinarak ni Haring Tereus ang espada sa dibdib ni Agenor.

Ngunit tila hindi ininda ni Agenor ang sugat na natamo mula sa kanyang espada. Nagpatuloy pa rin ito sa pagbabanta. “Ang sumpa, Tereus. Matakot ka sa sumpa.”

Hinugot ni Haring Tereus ang espada at nanggigigil na muling ibinaon ito sa dibdib ni Agenor. Mga halakhak ng pang-uuyam ang isinukli nito.

Muli niyang hinugot ang espada at muling ibinaon sa katawan ni Agenor. Sa bawat halakhak nito ay panibagong sugat ang nililikha ng kanyang sandata. Paulit-ulit hanggang halos mawasak na ang buong katawan nito. Tumigil lamang siya nang pinigilan siya ni Phineas, ang pinunong babaylan ng Odrysian.

“Tama na, mahal na hari. Patay na si Agenor. Ubos na rin ang kanyang mga kawal. Tapos na ang digmaan sa ating kaharian,” mahinahong awat ni Phineas.

Humihingal na tumigil sa ginagawa si Haring Tereus saka bumaling sa pinunong babaylan. Ang sinabi nito tungkol sa pagtatapos ng digmaan sa Odrysian ay hindi sapat upang mapawi ang takot na ngayon ay bumabalot sa buong pagkatao niya. “Narinig mo ba ang kanyang sinabi, Phineas? Patay na nga siya ngunit isang malagim na sumpa naman ang kaniyang iniwan para sa buong sangkatauhan.”

Marahang tumango si Phineas. “Oo, mahal na hari. Tunay na sagad sa buto ang kaniyang kasamaan.”

“Ginamit niya ang ilog Abdera para sa katuparan ng kanyang malagim na sumpa. At alam nating lahat na hindi kayang baliin ng ano mang kapangyarihan ang bisa ng isang sumpa kapag isinagawa ito sa mahiwagang ilog na iyon at sinaksihan ng mga diyos ng hades.”

“Alam ko,” malungkot na tugon ni Phineas. “At ang tanging paraan lamang ay makapaghanda ang ating angkan ng mga supling na susupil sa mga tagapagdala ng sumpa sa bawat ika-sandaang taon. At iyon ay kailangang manggagaling sa sarili mong dugo.”

“Anak ko?”

“Mga anak mo hanggang sa iyong kaapo-apohan. Tuwing ika-sandaang taon, pitong supling mula sa iyong angkan ang hihirangin upang sugpuin ang pitong tagapagdala ng sumpa na magmumula naman sa angkan ni Agenor.. ”

“Walang problema, Phineas. Batid kong mananalaytay sa ugat ng aking mga salinlahi ang dugo ng isang mabuting pinuno at mandirigma.”

“Subalit…” may pag-aalinlangan sa tinig ni Phineas.

“Ano, Phineas? Magsalita ka!”

“Kailangan mo pa itong hingin sa ating diyos na si Thrax. At upang pagbigyan ka, kailangan mong ialay ang sarili mong buhay.”

“Nakahanda ako, Phineas. Iaalay ko ang sarili kong buhay para sa kaligtasan ng sangkatauhan,” walang takot na sabi ni Haring Tereus.

“Mahal na hari…”

Sinadya ni Haring Tereus na hindi pansinin ang pagtutol ng babaylan. “Bukas na bukas din ay magkakaroon tayo ng pagpipiging. Maghahain tayo ng maraming pagkain at alak. Ipahanda mo rin ang templo ni Thrax. At habang nagsasaya ang lahat, gagawin ko ang pinakamahirap na desisyon sa aking buhay bilang hari ng Odrysian.”

Malungkot na napailing si Phineas. “Mahal na hari, hindi mo kailangang magsakripisyo. Kung mamamatay ka man, ito ay nararapat na sa natural na paraan, sa sakit o kahit na sa digmaan, pero hindi dahil sa iniligtas mo ang buhay ng mga tao sa hinaharap. Hindi natin sila kilala at wala tayong pakialam sa kanila.”

You May Also Like