
Precious Pages · Ongoing · 41 Chapters
At a cosplay event in the Greenbelt, a little man in an elf costume gave the saleslady the bag with cash and a baby in it. The baby was called Moymoy. Like other children, he grew up happily, playing and avoiding fights. But then Moymoy discovered that when he felt strong emotions he could change the form...
Kasalukuyang panahon …
S A HARDIN ng Greenbelt sa Makati, na kinatatayuan ng naglalakihang puno ng akasya, ay lumabas mula sa malaking katawan ng puno ang isang di-pangkaraniwang nilalang—si Montar. May tatlo’t kalahating talampakan lamang ang taas niya, may malaking ilong at matutulis na tainga, pero ang mukha niya ay napakaamo. May kalong-kalong siyang isang sanggol. Luminga-linga siya. Pinagmamasdan siya ng mga tao at ang ilan ay natatawa sa kanya. At dahil may cosplay, hindi nahalata na siya ay kakaibang nilalang at hindi isang tao.
Naglakad nang naglakad si Montar. Hindi naiiba ang hitsura niya sa mga taong naroroon dahil marami ang naglalakad na naka-costume. Hanggang sa makarating siya at napahinto sa National Book Store. Nakita niyang maraming tao roon. May book signing sa loob ng bookstore para sa isang sikat na manga book kaya may cosplay na nagaganap. Sa tarpaulin sa loob ng bookstore, pinagmasdan niya saglit ang larawan ng librong manga na may pamagat na “Ang Modernong Aswang.” Naroon din ang larawan ng awtor ng libro, may katandaan na ito at halos natatakpan ang mukha sa kapal ng balbas at bigote. Natigilan si Montar sa hiyawan ng mga tagahanga ng awtor. Nagulat siya nang namalayang nasa tabi lamang pala niya sa kinatatayuan niya ang awtor—nakaupo sa may mesa at kanina pa nakatitig sa kanya. Bigla siyang nginitian ng awtor nang mapalingon siya rito.
“Magpapapirma ka?” tanong ng awtor kay Montar na nanatiling nakangiti pa rin sa kanya.
Walang reaksiyong gumuhit sa mukha ni Montar, tumalikod lamang at tuluyan nang pumasok sa bookstore.
Isa sa mga teenager na nagkukumpulan sa loob ng bookstore ang lumapit sa kanya.
“Okay ba, dude?” sabi ng teenager na naka-costume ng anime na ang tinutukoy ay si Montar.
Tiningnan lamang ni
Montar ng
mapanuring tingin
ang lalaking
teenager.
“Lupit, dude,” sabi
uli ng teenager kay
Montar.
“Anong character
`yan?” tanong ng
kasama ng teenager
na naka-costume din. “May dala ka pang sanggol. `Buti pinapasok ka ng guwardiya dito.”
Hindi umimik si Montar bagkus itinuloy niya ang paglakad sa loob ng bookstore.
“Hey! Kinakausap kita!” habol ng teenager.
Patuloy sa paglakad si Montar sa loob ng bookstore, pinagmasdan niya ang mga librong naroroon. Nakarating siya sa kinaroroonan ng romance books. Pinagmamasdan niya ang mga pabalat—ang mga babae’t lalaking nakalarawan na nagyayakapan—nang biglang umiyak ang hawak na sanggol. Inilabas ni Montar ang hintuturo, bahagya itong humaba at nagkulay-ginto. Itinuro niya ang hintuturo sa bibig ng sanggol at pagkatapos ay nagningning ang dulo nito. Patuloy sa pag-iyak ang sanggol pero wala nang naririnig na boses. At nang wala nang marinig na boses mula sa pag-iyak ng sanggol ay muling ibinalik ni Montar sa normal na anyo ang kanyang hintuturo. Napahinto siya nang makita ang isang saleslady na nakatingin sa kanya. Kanina pa pala ito nakasilip sa kanya sa kabilang shelf kaya nakita nito ang
ginawa niyang pagma-magic.
“Sshh,” sabi ni Montar sa saleslady.
Ipinilig-pilig ng saleslady ang kanyang ulo—hindi ito makapaniwala sa nakita, nanatiling nanlalaki ang mga mata nito. Natakot ito kay Montar kaya dagli itong lumayo, hindi makapaniwala sa nakita. Sinundan naman ni Montar ang takot na lumalayong saleslady.
Napatigil si Montar sa paghabol sa saleslady nang makita niya ang librong nadaanan sa isang shelf. Tiningnan niya itong mabuti, napakunot-noo siya. Philippine Myths and Legends ang pamagat ng libro. Kinuha niya iyon at namangha nang makita ang nakalarawang magandang diwata sa pabalat ng libro. Bubuklatin pa sana niya ang libro pero gahol na siya sa oras.
Takot pa ring humahangos papalayo kay Montar ang saleslady—pero natigilan ito nang makasalubong ang supervisor na si Che.
“Ma’am Che!”
“Tracy!”
“Ma’am Che, bakit ka narito?” natatarantang tanong ni Tracy.
“Nahihibang ka ba? Ikaw ang dapat kong tanungin. Bakit ka bumalik dito? `Di ba sabi ko ayusin mo ang display sa Filipiniana? Ako na ang bahala rito. Nakikita mo nang ang daming tao dahil sa book signing, eh.” Malumanay ang salita ni Che kay Tracy kahit na may bahid ng galit ang mukha nito.
“Pasensiya na, Ma’am Che. Na… nahihilo po ako.”
“Bakit ka pa pumasok kung may sakit ka?” Sinalat ni Che ang leeg ni Tracy. “Wala ka namang lagnat.”
“A, wala ba?” nalilitong pakli ni Tracy.
“Bakit gusto mong magkasakit? Bawal magkasakit.”
“Parang—”
“Ano?”
Hindi makaapuhap ng sasabihin si Tracy sa mataray na supervisor.
“Ano?” tanong muli ni Che.
“Midol lang ito, Ma’am. Mawawala rin.”
“Akala ko ba hilo `yan at hindi dysmenorrhea? Ha?” Tumikwas na ang dalawang kilay ni Che.
Sa pakiramdam ni Tracy, kumbaga sa bulkan, umuusok na ang kaharap at ano mang oras ay sasabog.
“Ma’am Che, sa CR lang ako. Puwede ba?” Hinawakan ni Tracy ang kanyang tiyan. Gumagawa siya ng paraan para makaalis; ang totoo’y hindi niya alam ang gagawin. Gusto niyang takasan si Montar, hindi si Che, dahil sanay na siya sa katarayan at mga mood nito.
“Sige, mabuti pa. Baka CR lang ang sagot diyan. Ano ba’ng nangyayari sa `yo?” Iyon lamang ang sinabi ni Che pagkatapos ay tinalikuran si Tracy.
Dagli namang naglakad palayo si Tracy. Pumasok siya sa stockroom. Naroon ang maraming libro at school supplies na nakatambak. Dali-dali niyang isinara ang pinto at inilapat doon ang kanyang likod. Napapikit siya at huminga nang malalim, sabay hawak sa dibdib. Hindi siya makapaniwala sa nakita. Biglang nag-ring ang kanyang cell phone.
“Ay, kabayo! Ano ba `yan?!” Dinig na dinig ang ringtone kaya mabilis na kinuha niya ang cell phone sa bulsa ng kanyang uniporme at sinagot.
“Hello! Ay, sorry! Ano ba `yan… Hello…” Hininaan ni Tracy ang kanyang boses. “Ano ba, Edcel, bakit ka tumawag? Alam mo namang bawal akong magdala ng cell phone. Ikaw talaga, `buti na lang nasa stockroom ako. Ano ba `yon? Ha? Kahit kailan `di ka mananalo sa lotto. One in ninety million `yan. Isipin mo, sabi sa book, 90 million na ang mga Pilipino, so, bilangin mo kung pang-ilan ka pa sa mananalo. Kaya ako, `di bale na lang. Sasali na lang ako sa contest sa TV o `di kaya mag-abroad na lang tayo bago tayo magpakasal. Ay, teka, ano ba `yan, ako ang may ikukuwento sa iyo…”
Naalala niyang bigla si Montar, ang may kalong-kalong na sanggol.
“Makinig ka, seryoso… Edcel, nandiyan ka pa? May nakita akong parang ano… Parang `di ko ma-gets, eh… Pamilyar ka ba sa mga fantasy movie? Sa mga kababalaghan? `Yong ano ba ito?”
Nagkamot ng ulo si Tracy, hindi niya maipaliwanag ang kanyang nakita. Naguluhan siya kung papaano sasabihin at papaniwalain ang kahit na sinong kukuwentuhan niya sa kanyang nakita sa selling area ng bookstore. Luminga-linga siya at tumingala pa—nag-isip ng paraan kung paano sisimulan ang kanyang kuwento.
“Hay, Edcel.” Sinapo ni Tracy ang ulo at umupo sa nakatambak na mga libro, ginulo-gulo niya ang buhok, inisip na baka mabubura ang ano mang gumugulo sa kanya. “Baka nabubuwang na `ko…”
Hindi niya inintindi ang sinasabi ni Edcel.
“Wala—Edcel, baka nga kulang ako sa tulog. Pinuyat mo kasi ako kagabi.”
Natawa pa siyang bigla at kinilig.
“Hindi, ah. Ikaw itong nag-aya. Ay naku, Edcel, kahit saan mo pa `ko dalhin, hindi muna. Ayoko munang pumunta roon. `Pag kasal na tayo, `no. Hanggang kiss lang ako.”
Patuloy sa pagkilig at paghagikgik si Tracy sa kanyang narinig. Nang marinig na parang nawala na sa linya ang kausap ay natigilan siya. “Hello… Hello? Edcel? Nawala.” Tiningnan niya saglit ang cell phone at muling ibinalik sa tainga at biglang napangiti. “I love you. Sige na.” Hinabol pa niya ang mga huling salita kahit na alam niyang hindi na ito narinig ni Edcel.
“Bakit, eh, sa talagang love ko naman si Edcel.” Sarili na ang kausap ni Tracy.
Mula sa pagkakaupo, nangalumbaba siya at pagkatapos ay tinakpan ng dalawang palad ang mukha. “Gutom lang ito, Tracy. Gutom lang.”
Pero natigilan si Tracy nang maramdamang may tao sa kanyang harap. Mula sa siwang ng kanyang mga daliri ay nakita niya sa sahig ang maliliit na paa ni Montar. Nanlaki ang mga mata ni Tracy nang pag-angat ng paningin ay nakita niya ang kabuuan ni Montar, kalong-kalong pa rin ang sanggol.
“Sshh,” muling sabi ni Montar.
Nanlaki ang mga mata ni Tracy at nang akmang sisigaw ito ay itinapat ni Montar ang kanyang hintuturo sa bibig ni Tracy. Nagsisigaw si Tracy pero walang boses na lumabas sa kanyang bibig.
“Kahit magsisigaw ka sa buong Maynila, walang makakarinig sa `yo,” sabi ni Montar sa maliit niyang boses. Nang makita niya na napagod na si Tracy sa kakasigaw ay ibinalik niya ang boses nito.
“Ako si Montar.”
Nanlalaki pa rin ang mga mata ni Tracy.
“Kailangan ko ang tulong mo.” Tiningnan ni Montar ang sanggol na kalong-kalong niya. “Itago mo siya, kukunin ko siya sa `yo pagdating ng araw.”
“Huh?”
“Wala nang tanong-tanong, kakailanganin mo ito…”
Itinapat ni Montar ang hintuturo sa harap ni Tracy at lumitaw ang malaking bag na itim.
“Ano `yan? Sino ka? Totoong tao ka ba?” natatarantang tanong ni Tracy na halos mautal.
“Hindi ka bulag kaya maniwala ka. Itong sanggol na dala ko, alagaan mo siya. Kukunin ko rin siya sa `yo. Gamitin mo iyan sa pag-aalaga sa kanya.” Itinuro ni Montar ang bag.
Binuksan ni Tracy ang bag, nagulat nang makitang puno ito ng pera.
“Ano ito? Ibinibigay mo ito sa akin?”
“Oo.”
“Hindi ako mukhang pera, `no.”
“Gagamitin mo iyan sa pagpapalaki sa batang ito.”